Tuesday, June 21, 2005

Kaya Ang Lahat

Ang pangarap ay kayang liparin
Langit man ay kakayaning abutin
Kayang-kaya ko ang lahat ng iyan
Basta sa piling ko ay wag kang lilisan.

Ang awitin ay kayang sulatin
Bituin man ay kakayaning ipunin
Kayang-kaya ko ang lahat ng iyan
Basta ngiti mo ay laging masilayan .

Ang utang ay handang patawarin
Lahat ng hirap kayang tanggapin
Kayang-kaya ko ang lahat ng iyan
Basta sa tabi ko ay lagi kang nar'yan.

Ang sugat ay handang hilumin
Kung imposible ay idadasal pa rin
Kayang-kaya ko ang lahat ng iyan
Basta sumagot ka, wag lang 'hindi' at 'ewan'.

Orihinal na nasulat, taong 1999 o 2000. (Hindi ko maalala kung para kanino ito, kaya hindi ko maalala kung anong eksaktong taon. Nyeh!)

Kalagitnaan (Kung Walang Wakas at Simula)

May nagtanong sa akin kung paano raw ba nagsisimula ang pag-ibig. At tinanong ko naman siya kung paano ba ito natatapos, o kung natatapos nga ba itong talaga. Parang usapan tungkol sa ‘evolution’. Love evolves from friendship, friendship evolves from knowledge of that person, and knowledge evolves from nothingness. Love evolves from nothingness?

May kalagitnaan ba ang pag-ibig?

May simula ba ang kalawakan
O may wakas rin ba ang kawalan.

May mas mataas pa ba sa luwalhati
O mas malalim pa sa kalungkutan.

May mas malinaw pa ba sa tubig
O may mas malabo pa ba sa putik.

Ganito rin siguro ang pag-ibig

Walang simula
At wala ring wakas

Walang mas mataas
Walang mas malalim
Walang mas malinaw
Walang mas malabo.

Ngunit may kalagitnaan ba ang pag-ibig?

Ito ay orihinal na nasulat, buwan ng Mayo, taong 2000.

Ave C.M. Recto (Mula Mendiola Hanggang Avenida)

Sa kagustuhang makahanap ng masarap na miryenda, naikot ko yata ang buong area ng Quiapo – mula MWSI office sa kanto ng Legarda, deretso ng Recto, hanggang Avenida, papasok ng Raon, hanggang Plaza Miranda, tagos ng San Sebastian hanggang McDonalds sa Lepanto. Ang init ng araw, ang tingkad ng kulay ng paligid, ang kapal ng usok – ay pangit at magagandang bagay na puwedeng gamitin sa pagsasalarawan ng buhay. Ang tulang ito ay pagkukumpara ng C.M. Recto Avenue, sa isa pang kalye na kung tawagin ay – buhay.

Maliban sa paninda sa sidewalk . . .

Minsang ako’y naglalakad sa CM Recto
(mula Mendiola hanggang Avenida),
ay aking pinagmasdan ang mga taong
nakakasalubong at nakakasabay.

Tinitingnan ko ang bawat nilang kilos
Ang hakbang na mabagal at mabilis
Ang ulong nakayuko at nakatingala
Ang labing nakangiti at nakatikom.

Iba’t ibang larawan ng buhay . . .

Larawan ng saya at pagtatagumpay –
Ng bagong promote at bagong suweldo,
Ng pumasa kahit awa at nakakupit sa tuition
Ng sinagot ng nililigawan at bagong boyfriend.

Larawan ng lungkot at pagkabigo –
Ng napaggal at walang nakuhang trabaho,
Ng bumagsak ng ‘finals’ at walang allowance,
Ng binasted ng nililigawan at iniwan ng boyfriend.

Iba’t ibang larawan ng buhay . . .

Iba’t ibang taong may iba’t ibang karanasan
Iba’t ibang damdamin ng iba’t ibang mundo
Iba’t ibang pinagmulan, iba’t ibang pupuntahan.

Patuloy ang aking paglalakad . . .

May naglalakad na tila diring-diri sa kanyang paligid
May walang pakialam sa ingay at kapal ng usok
May naglalakad na nakayuko at walang ngiti
May walang pakialam sa nababangga’t kasalubong.

Ganito ang Recto, ganito rin ang buhay ng tao
Iba’t ibang damdamin, iba’t ibang karanasan.
Mahirap maglakad sa CM Recto . . .
Mahirap maglakad sa kalye ng buhay.

Ito ay orihinal na nasulat, buwan ng Marso, taong 2000.

Blogging Galore

I remember . . . I used to have an older blog site.

Problem is - I can't remember the site, user name nor the password. (Memory gap na yata ito!)

And sometimes (or should I say most of the time) - I don't have time to post new messages, don't know how to paste pictures, edit the format, etc.

In short, HINDI AKO MARUNONG GUMAMIT NG BLOG!

Pero pangako, mula ngayon ay akin nang pagbubutihin . . . kung may oras!